Maging si Bianca Gonzalez ay nakiisa sa mga celebrity sa pagbahagi ng kanyang karanasan kasabay ng Breastfeeding Awareness Month.
Ayon sa 37-year-old TV host, hindi niya akalain na tuluyang magtatapos ang kanyang breastfeeding journey lalo ngayong nasa bahay lamang bunsod ng coronavirus pandemic sa bansa.
Proud aniya siya na direktang dumede sa kanya ang panganay na si Lucia sa loob ng dalawang taon pero umasa siya na aabot pa ito ng mas matagal.
“Until one day, a few weeks back, she just didn’t. Want. To. Latch,” pagbabalik tanaw ng misis ng basketball star na si JC Intal
“Purely breastfed” din naman daw ang kanilang second baby pero mas maaga itong nagboluntaryong umayaw.
Una nang inanunsyo ng Department of Health ang tema ng Breastfeeding Awareness Month na “I-BIDA ang Pagpapasuso Tungo sa Wais at Malusog na Pamayanan.”
Katumbas nito ang apat na mensahe para sa pagpapasuso pa rin sa gitna ng coronavirus pandemic sa bansa.
Una pa rin dito ang letrang “B” o “bawal” magpasuso nang walang mask kung may sintomas o exposure sa deadly virus.
Kahit kasi wala namang banta ng virus sa gatas ng ina, may posibilidad na tumalsik ang laway kung walang suot na face mask.
Ang “I” ay “i-sanitize ang mga kamay bago magpasuso.”
Pangatlo ang “D” o “distansya ng isang metro mula sa iba kung magpapasuso.”
Panghuli ang A- “alamin ang mga tamang impormasyon tungkol sa pagpapasuso.”