-- Advertisements --
B immigration

Malugod na tinanggap ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman G. Tansingco ang pagsuspinde sa pagpapatupad simula Setyembre 3 ng 2023 Revised Guidelines on Departure Formalities for International-Bound Filipino Travelers.

Sinabi ni Tansingco na ipinaalam niya sa lahat ng immigration officers ang suspensiyon na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) bilang tugon sa kahilingan ng Senado.

Aniya, inagalang ng kawanihan ang resolusyon ng Senado na suspindihin ang pagpapatupad ng mga alituntunin, at nakikipagtulungan na ito sa iba pang miyembro ng inter-agency upang matugunan ang anumang alalahanin o paglilinaw na maaaring mayroon ang publiko.

Taliwas sa pananaw ng publiko, tiniyak ni Tansingco na ang binagong mga alituntunin ay hindi pinipigilan ang karapatang maglakbay, dahil tinitiyak lamang ng Inter-Agency Council Against Trafficking, sa pamamagitan ng BI, na ang mga papaalis na Pilipino ay maayos na naidokumento batay sa kanilang aktwal na layunin ng paglalakbay.

Giit ni Tansingco, ang parehong mga alituntunin ay may bisa mula pa noong 2012, at binago noong 2015, na kung saan ang parehong mga batayan ay ginagamit ng mga opisyal ng immigration hanggang sa kasalukuyan.