Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga banyagang nais makialam sa nalalapit na halalan sa 2022.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, dapat daw ay irespeto ng mga banyaga ang batas sa bansa at iwasang makibahagi sa Philippine politics.
Binigyang diin ni Morente na lahat ng mga banyaga ay pinagbabawalang sumali sa partisan political activities sa bansa.
Partikular na dito ang pagsali ng mga banyaga sa kilos protesta at pangangampanya na malinaw na paglabag sa ating batas.
Sinabi ni Morente na hindi rin puwedeng sumali sa mga aktibidad na may kinalaman sa halalan ang mga may hawak ng permanent residence visas.
Dahil dito, nagbabala si Morente na wala silang sasantuhin sa mga banyagang mahuhuli na nakikialam sa pulitika dito sa Pilipinas.
“Foreigners joining mass actions and protests including election campaigns is a disrespect to our prescribed laws and is considered as a violation of their stay in the Philippines,” ani Morente.
Ang babala ni Morente ay kasunod na rin ng mga banyagang pina-deport matapos makisali sa mga political activities noong mga nakaraang taon.
Ang mga banyaga ay blacklisted na rin ay hindi na papayagang muling makapasok sa bansa.
Una rito, nagbigay na rin ang BI chief ng direktiba sa mga empleyado ng Immigration bureau na manatiling apolitical.
“We are sending this early reminder as we have encountered so many deportation cases of foreigners who have engaged in political activities in the past. Those foreigners who will be found guilty of such acts, especially electioneering, shall be deported and blacklisted, perpetually barring them from returning to the Philippines,” dagdag ni Morente.