-- Advertisements --

Pinuri ng Bureau of Immigration (BI) ang lumabas na report na nagpapakitang napanatili ng Pilipinas ang Tier 1 classification sa US government’s trafficking in persons (TIP) index.

Ito na ang ika-anim na taon na napanatili ng bansa ang Tier 1 classification.

Kasunod nito, nangako ang Immigration bureau na aktibo pa rin nilang ipagpapatuloy ang kampanya para matuldukan na ang human trafficking na idinadaan sa mga international ports ng Pilipinas.

Sa isang statement statement, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa lumabas na 2021 Trafficking in Persons (TIP) report ng US State Department, nasunod daw ng Pilipinas ang minimum standards para mapuksa ang trafficking.

“For the sixth year in a row, the Philippines managed to retain its Tier 1 ranking in the annual TIP report.  We in the Bureau of Immigration will not waver in our resolve to combat this menace to our society and the world,” ani Morente.

Ang Tier 1 ay ang pinakamataas na ranking matapos ang pagpupursige ng pamahalaan na tugunan ang problema sa human trafficking.

Maliban dito, nasunod din ng bansa ang minimum standards para masawata ang trafficking alinsunod sa US Trafficking Victims Protection Act of 2000. 

Para mapanatili ang Tier 1 ranking, kailangan ng pamahalaan na isagawa ang mas mahigpit na pagbabantay para labanan ang trafficking.

Kasama ng Pilipinas sa ranking ang 27 pang mga bansa gaya ng Australia, Canada, France, South Korea, Singapore, Taiwan, United Kingdom at United States.

Ayon kay Morente, kaya napanatili ng bansa ang naturang status ay dahil na rin sa mahalagang papel ng BI sa paglaban sa trafficking sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay sa lahat ng mga international ports sa bansa para hindi makalabas ang mga biktima ng human trafficking.

Aniya kahit nagkaroon ng kanselasyon ng karamihan sa mga international flights at ang pagbulusok ng mga pasahero noong nakaraang taon dahil sa pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay nagawa pa ring maaresto ng mga BI officers sa mga airports ang tangkang pagpuslit sa mahigit 11,700 passengers noong 2020 kumpara sa mahigit 31,200 noong 2019.

Patuloy naman umanong magiging mapagmatyag ang travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI sa mga outbound Filipinos para tignan kung nasusunod ng mga ito ang guidelines at requirements para sa mga papaalis na mga travelers.

Sa mga naharang umanong pasahero ngayong taon, nasa 294 ang ikinokonsiderang potential human trafficking victims matapos magprisinta ng hindi kumpleto at kahina-hinalang travel documents at nagkaroon ng misrepresentation sa purpose ng kanilang overseas travel. 

Agad naman silang ipinasakamay sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalimang imbestigasyon habang sasampahan naman ng kaso ang kanilang mga recruiters.

Dagdag ni Morente, nasa 35 foreign registered sex offenders ang naharang sa pagpasok sa bansa sa pamamagitan naman ng Port Operations Division ng BI.

Nangako si Morente na hindi nila sasantuhin ang mga immigration employee na nakikipagsabwatan sa mga human traffickers at agad nilang irerekomenda sa Department of Justice (DoJ) na sampahan ng kaukulang mga kaso.

“Human trafficking is real, and it is here.  Up until now, despite the pandemic, we intercept numerous cases of human trafficking, including underage workers being trafficked using fraudulently acquired documents, falsified itineraries of workers illegally being sent to war-torn countries, and workers being instructed by their recruiters to pose as tourists.  This is an ongoing battle, and we are committed to continue this fight against this societal menace until human trafficking is finally eliminated from our country,” dagdag ng BI chief.