-- Advertisements --

Nagdagdag na ang Bureau of Immigration (BI) ng kanilang personnel sa iba’t ibang paliparan at ports of entry sa bansa  para sa inaasahang bahagyang pagbuhos ng mga pasahero ngayong Pasko hanggang sa Bagong Taon.

Naka-heightened alert na rin ang BI para sa border security ngayong holiday season.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na inatasan na lahat niya ang mga immigration officers na naka-deploy sa iba’t ibang international airports at seaports na mas maging mahigpit sa screening ng mga papasok at lalabas sa bansa na mga travelers.

Ito ay para na rin sa kaligtasan ng ating mga kababayan at para hindi makalusot ang mga illegal aliens maging ang mga human traffickers na nananamanatala ngayong Kapaskuhan.

“This is to ensure that our campaign to thwart the entry of illegal aliens and prevent the departure of trafficking victims is not compromised during this Christmas season,” ani Morente.

Muli naman itong nagbabala sa mga sindikato dahil pa rin sa human smuggling at human trafficking syndicates na sinasamantala ang holiday rush para itakas at ipasok sa bansa ang kanilang mga biktima sa kabila ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Do not even try because our officers at the airports will surely foil any attempts by these syndicates to ply their racket,” anang BI chief.

Inihalimbawa pa ni Morente ang kaso ng ilang banyagang tinangkang pumasok sa bansa at naaresto sa Manila at Cebu.

Ang mga suspek ay gumamit ng mga pekeng dokumento, counterfeit Philippine visas at pekeng marriage at birth certificates para makapasok sa bansa sa kabila ng mga travel restrictions dahil sa covid pandemic.

Tinukoy din ni Morente ang pagkakaharang ng mga hinihinalang biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Lumalabas na ang mga pasahero ay undocumented contract workers na tinangkang tumakas gamit ang mga pekeng travel documents para palabasing sila ay mga turista.

“These tricks will not work as our immigration officers are trained in passengers assessment and detecting fraudulent travel documents,” dagdag ni Morente.

Una rito, inanunsiyo ng BI na nag-deploy na ang mga ito ng karagdagang standby personnel para sa holiday season, kahit na inaasahan na raw nilang hindi naman magkakaroon ng major upsurge sa bilang ng mga international travelers dahil sa mga travel restrictions ngayong humaharap pa rin ang bansa ng pandemic.