Ilang linggo bago ang buwan ng Marso, muling nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga banyaga kaugnay ng annual report ngayong 2021.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa Marso 1 na ang deadline ng annual registration para sa mga foreign nationals.
Iginiit nitong BI Commissioner Jaime Morente na wala nang extension ang annual report.
Ipinaliwanag nitong base sa Alien Registration Act of 1950, ang lahat ng mga immigrant at non-immigrant visas ay kailangang personla na mag-report sa bureau sa unang 60 araw ng ng bawat calendar year.
Nagbabala naman si Morente sa mga banyagang bigong mag-comply sa naturang report na posible silang mamultahan, makansela ang kanilang visa, ma-deport at makulong.
Pinayuhan din ng BI chief ang mga banyagang hindi pa nakagawa ng report na agad mag-register sa BI online appointment system gamit ang http://e-services.immigration.gov.ph para mabigyan ang mga ito ng slots o schedule.
Aniya, nasa 800 slots para sa annual report ang nakasreserba kada araw pero ang araw ng Sabado ay naka-reserba naman sa mga accredited entities at remote reporting para sa maramihang aplikante.
Samantala, sinabi ni Atty. Jose Carlitos Licas, BI alien registration division chief, ang mga banyagang nasa labas pa ng bansa sa 60-day period at puwede pa ring mag-report sa loob ng 30 araw pagdating nila sa bansa basta valid lamang ang kanilang re-entry permits.
Maliban naman sa kanilang BI main office sa Intramuros, Manila, puwede ring magtungo ang mga banyaga sa pinakamalapit na BI field, satellite o extension office.
Sa update naman sa annual registration, noong katapusan daw ng buwan ng Enero ay mayroon nang kabuuang 77,303 aliens ang nakapag-file ng report.
Mas mababa ito ng 10-percent kumpara sa 86,683 noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, 19,166 ng mga banyaga ang nag-report sa BI main office sa Manila habang ang natitirang 58,137 ay nag-report sa iba’t ibang immigration subports sa bansa.