Naglabas ng mga alituntunin ang Bureau of Immigration para sa pagpasok at paglabas ng mga international traveller sa ating bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng BI na ang mga papasok na dayuhang turista at pansamantalang bisita ay dapat magpakita ng mga pasaporte na may bisa ng hindi bababa sa anim na buwan o isang valid visa, maliban kung sila ay karapat-dapat sa visa-free entry.
Bukod pa rito, dapat silang magkaroon ng mga valid return ticket, maliban kung sila ay mga dayuhang asawa, mga anak ng mga bumalik na Pilipino, o mga dating mamamayan na may mga pribilehiyo ng Balikbayan.
Ang mga foreign immigrants at non-immigrants ay kinakailangang magpakita ng kanilang ACR I-Card, maliban sa mga may hawak ng 9A visa o business visa sa panahon ng inspeksyon.
Ang mga paparating na Pilipino at dayuhang pasahero, gayundin ang mga tripulante ng eroplano, kasama ang mga papaalis na mga Pilipino, ay inaatasan na magparehistro sa pamamagitan ng eTravel System.
Gayunpaman, ang mga foreign dignitaries at ang kanilang mga dependent, gayundin ang 9E o foreign government officials ay exempted sa nasabing electronic registration requirement.