Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga sindikatong nasa lookout bulletin nila dahil sa pamemeke ng mga ito ng endorsement mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Nag-ugat ang pag-iisyu ng BI ng warning dahil pa rin sa mga natanggap nilang report na mayroong sindikatong planong gamitin ang DFA endorsement para payagang makapasok sa bansa sa kabila nang mahigpit na restriction ng Inter Agency Task Force (IATF) dahil sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Maalalang noong Marso, sinuspindi ng DFA ang pag-isyu ng ang pag-isyu ng visa pero puwede raw i-exempt ang sakop ng suspensiyon para sa meritorious o humanitarian grounds.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na nakatanggap daw sila ng intelligence reports na sinusubukang pekehin ang mga dokumento para payagan ang pagpasok nila dito sa bansa.
“We have received intelligence reports with pictures that these syndicates are trying to falsify these documents to allow the entry of those currently restricted. Don’t even try. We have a smooth verification process with other government agencies that makes it easier to confirm if the document you will present is a fake,” ani Morente.
Una rito, inihalimbawa ni Morente ang tangka ng isang shipping agency na pekehin ang DFA endorsement pabor sa seafarer na dumating sa bansa at nais manatili sa isang hotel kaysa dumiretso sa kanilang outbound flight.
Dagdag ni Morente, dahil sa naturang mga lumabas na intel report, sususpendehin na ng BI at DFA ang pag-proseso ng lahat ng aplikasyon na naturang shipping agency.
Inaasikaso na rin ng BI na i-blacklist ang naturang kumpanya sa bureau.