
Binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa call center trafficking scam sa ibang bansa matapos ang napaulat na pambibiktima sa mga nais magtrabaho sa abroad.
Inisyu ng Immigration bureau ang naturang babala matapos na mabiktima ng scam ang isang Pinay at na-repatriate mula Bangkok, Thailand noong nakalipas na Marso 9.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang Pinay victim ay dating online gaming company employee sa Clark, Pampanga nang ma-recruit sa pamamagitan ng online platform ng Filipino nationals na natukoy na Mel at Sam na nagtratrabaho sa isang call center sa Thailand.
Saad pa ni Tansingco na ang biktima ay inutusang magpanggap bilang turista patungong Thailand at nagawa naman nito na makaalis sa palabas ng bansa.
Aniya, sinundo ang biktima sa pamamagitan ng isang pribadong sasakyan matapos ang isang linggong pananatili sa Thailand at bumiyahe patungong Myanmar.
Ang trabaho nito ay sa online betting company sa Indian nationals bilang kanilang target market.
Sinabihan ang biktima na nasa $1000 hanggang $1500 kada buwan ang kaniyang sasahurin subalit kalaunan ay binigyan ito ng quota ng kalahating miyong Indian Rupees o humigit kumulang P330,000 upang makakuha ng komisyon na kaniyang magiging sahod.
Nabulgar din na pinagtrabaho ang biktima ng 12 oras kada araw ng walang day off.
Nagawa namang makahingi ng tulong ng biktima mula sa Philippine Embassy sa Thailand at tinulungang marepatriate pabalik ng Pilipinas.
Hinikayat naman ang publiko na huwag makipagtransaksiyon sa mga scammer at agad na i-report ang mga ito sa awtoridad.










