-- Advertisements --

Nagbabala ngayon si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa publiko laban sa mga scammers na nag-aalok ng mga immigration services sa social media.

Ang babala ng Bureau of Immigration ay kasunod na rin ng naging pagbubunyag ni Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) Chairperson Ka Kuen Chua sa pagtestigo nito sa Senado sa Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee hearing na mayroong mga nag-aalok sa social media ng P1 million hanggang P5 million para matanggal ang kanilang mga pangalan sa immigration blacklists.

Naobserbahan din umano ng Immigration na kumalat ang naturang scam sa Facebook pero talamak din sa messaging platforms gaya ng WeChat.

Mayroon pa umanong mga accounts na nagpapanggap na sila ay mga immigration lawyers at legal officers.

Gumagawa ang mga ito ng profiles gamit ang larawan ng mga empleyado ng Immigration maging ang kanilang mga badges o ang logo ng Bureau.

Parehong warning din ang inisyu ni Bureau of Immigration noong buwan ng Setyembre kaugnay ng pekeng employees na nag-aalok ng illegal services sa social media.

Inabisuhan naman ni Tansingco ang publiko na agad ipagbigay alam ang mga online scams sa Bureau of Immigration o sa mga otoridad.