-- Advertisements --

Nagbabala ngayon si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa mga pekeng immigration agents na nangha-harass ng mga foreign nationals dito sa bansa.

Sa advisory, sinabi ni Morente na nakatanggap sila ng mga report na mayroong mga indibidwal na nagpapakilalang mga BI agents at nangingikil sa mga banyaga.

Ang babala ni Morente ay kasunod na rin ng sulat na ipinadala ng isang biktima kaugnay ng natanggap nitong letter of verification na nag-iimbita sa kanyan sa BI office dahil umano sa imbestigasyon.

Nakalagay umano sa sulat na kapag hindi ito dadalo sa imbestigasyon sa Sabado na isasagawa ng BI ay posible itong ma-deport sa bansa.

Ang natuang sulat ay pirmado ng isang Special Agent Juanito Balmas.

Pero nang beripikahin, ang naturang indibidwal ay hindi naman empleyado ng Immigration bureau.

Dagdag ni Morente, wala rin umanong pasok ang BI tuwing Sabado sa lahat ng kanilang tanggapan.

Nilinaw din ni Morente na ang mga legal notices ay ipinadadala sa mga foreign nationals gamit ang official letterhead at pimado ng legitimate employees ng agency.

Ang lahat din umano ng contact information sa lahat ng BI offices nationwide ay matatagpuan sa kanilang webiste na www.immigration.gov.ph.

DIto raw puwedeng iberipika ng publiko ang mga communication na ipinadala sa kanilang ng BI.