Inihain ni Sen. Bong Go ngayong Hulyo ang Senate Bill 1649 o ang Bureau of Immigration Modernization Act of 2020.
Layunin ng panukalang batas na pagbutihin ang immigration services sa bansa at gawing mas responsive sa mga bago at dumaraming hamon.
Sinabi ni Sen. Go, isinusulongnito sa Senado na amyendahan ang lumang batas para mas mapabuti ang serbisyo sa immigration, mas maaalagaan ang mga Pilipino at mas maprotektahan ang bansa sa iba’t ibang panganib na pwedeng dumating.
Ayon kay Sen. Go, noong taong 1940 pa ito naisabatas at halos 80 taon na kaya marami na ang nangyari at maari pang mangyari sa hinaharap.
Kaya karapat-dapat daw na gawing akma ang batas sa kasalukuyang panahon at gawing moderno ang ating immigration services.
“First line of defense natin ang Bureau of Immigration. Patuloy na nagbabago ang anyo at diskarte ng mga dayuhang may masamang balak na manamantala sa ating mga mamamayan. Dapat unahan ng gobyerno ang mga pagbabagong ito upang mas maprotektahan ang Pilipino laban sa terorismo at iba pang krimen na dinadala sa ating bansa,” ani Sen. Go.