Inihayag ng mga abogadong nagsumite ng karagdagang petisyon sa kataastaasang hukuman o Korte Suprema na hindi umano sapat ang mga natitirang araw ng kasalukuyang kongreso para maipagpatuloy pa ang impeachment kontra kay Vice President Sara Duterte.
Ito mismo ang mariing paniniwala ng mga abogado sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon na siyang naghain ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment trial laban sa ikalawang pangulo ng bansa.
Giit kasi nila na ang pagsasagawa ng isang impeachment trial ay pinaglalaanan ng sapat na panahon at oras upang maisakatuparang maiigi ang paglilitis.
Kulang umano ang mga nalalabing araw sa pagtatapos ng 19th congress sa katapusan ng buwan sa pagpasok naman ng 20th congress.
Kung saan binigyang diin pa ni Atty. Israelito Torreon na ang pagsasagawa ng isang tapat at maayos na impeachment trial ay hindi maaring maisagawa lalo pa’t kulang na ang mga kinakailangang araw ng paglilitis.
Dagdag pa ng naturang abogado na kung ipagpapatuloy o mamadaliin pa ang pagproseso ng impeachment trial ay posibleng makaapekto umano sa karapatan ng nasasakdal na si Vice President Sara Duterte.
Aniya’y kung ito’y matutuloy, maisasakripisyo dito ang karapatang dapat maigawad sa ikalawang pangulo na siyang nahaharap sa impeachment na inihain laban sa kanya.