-- Advertisements --

Magdadagdag na ang Bureau of Immigration (BI) ng kanilang manpower sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong buwan bilang proactive measure sa paparating na Christmas holiday season.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na nag-isyu na ito ng direktiba na mag-deploy ng immigration officers na maa-assign sa main office at other satellite, extension at field offices ng BI sa Metro Manila.

Napag-alamang isinumite na ng mga division chiefs ang listahan ng mga pangalan ng mga immigration officers mula sa kanilang mga opisina na madedestino sa NAIA simula sa susunod na linggo.

Ang karagdagang tauhan ng BI ay magsasagawa ng primary inspection sa immigration arrival at departure counters ng naturang paliparan.

“This is a temporary measure that we are taking proactively. While we do not expect a major rise in the number of travelers this holiday season, we’d rather err on the side of caution and beef up our deployment,” ani Morente.

Ang naturang direktiba ay dahil na rin sa update sa international travel restrictions ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na pumapayag sa visa free entry ng mga balikbayan.

Sinabi ni Atty. Candy Tan, BI port operations division chief na ang augmentation ng BI personnel sa premiere port ay bilang paghahanda na rin sa bahagyang pagdami ng bilang ng mga international flights maging ang volume ng mga pasahero sa mga susunod na linggo sa kabila ng travel restrictions na ipinatutupad dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Dagdag ni Tan ang pinakahuling direktiba ng IATF na payagan ang mga balikbayan at kanilang mga asawang banyaga at mga anak na makapasok sa bansa ay magiging rason sa pagbuhos ng mga international passenger arrivals habang papalapit na ang holiday season.

Una nang sinabi ni BI Spokesperson Dana Sandoval na nakahanda na ang BI na alalayan ang mga papabalik sa bansa na ating mga kababayan.