-- Advertisements --

Todo depensa ang Bureau of Inmigration (BI) sa alegasyong hindi sila naging maagap sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga pasahero sa eroplano nakasakay ng Chinese couple na nagpositibo sa 2019 novel Coronavirus (nCoV).

Giit ni BI Commissioner Jaime Morente, bago pa man sila hiningan ng detalye hinggil sa mga pasahero na nakatabi ng nasabing Chinese couple ay naibigay na nila ang mga ito sa Department of Health (DoH).

Binigyang diin ni Morente na proactive ang BI sa pagbibigay ng mga impormasyon mula sa kanilang database sa mga pasyente na under investigation dahil sa 2019 nCoV.

Tiniyak rin nito na magiging mabilis ang BI ng mga kinakailangang datos bilang bahagi ng kanilang inisyatiba para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa pagdinig ng senado kahapon, iginiit ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na magiging mabilis sana ang contact tracing kung naging mabilis lang ang BI sa pagbibigay ng contact details sa DoH.