Todo ang pasasalamat ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente kay Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bong Go at iba pang mambabatas dahil sa kanilang suporta sa bagong immigration law.
Sa isang statement, sinabi ni Morente na ang bagong Immigration Modernization Bill ay magiging long-term solution sa mga isyung kinahaharap ng ahensiya.
“I have personally reported to the President the challenges that we are facing in the Bureau. I am very thankful that he reiterated his support to the modernization of the BI law,” ani Morente.
Naniniwala si Morente na ang bagong batas ay magiging daan para maresolba ang mga “loopholes” sa 80-year-old Philippine Immigration Act.
Aniya sa pamamagitan ng batas ay matutugunan na nito ang problema sa mga reklamo ng pasahod, matatanggal ang mga systemic issues at mga loopholes sa mga polisiya.
Kasama na rin dito ang update sa mga ipapataw na parusa, pagsiguro sa division of power at ang kapangyarihan ng commissioner na magbigay ng kaukulang disciplinary powers.
Kapag naipasa na ang panukalang batas, mabibigyan ang BI Commissioner ng mas maraming control at supervision sa mga personnel ng Bureau kabilang na ang kapangyarihan nitong magtalaga, mag-promote at mag-reassign.
“The support of the President, as well as our lawmakers in pushing for this law is vital to ensure that we finally modernize and professionalize the Bureau,” dagdag ni Morente.
Una rito, sinabi ni Sen. Bong Go na sa gitna ng isyu sa korupsiyon sa BI, suportado nito ang pagpasa sa panukalang batas pero mayroong proposed measure na kanyang inihain para mapalakas pa ang Immigration bureau at matugunan ang mga systemic issues, legal loopholes at para ma-update na rin ang outdated immigration laws ng bansa.