-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources matapos na magpositibo sa nakakalasong red tide ang 7 baybayin sa Western Visayas.

Sa Shellfish Bulletin No. 20 ng ahensiya, positibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide ang Saplan Bay, baybayin ng Panay, Pilar, President Roxas, Roxas city sa Capiz, baybayin ng Gigantes islands, Carles sa Iloilo, at baybayin ng Altavas, Batan at New Washington sa Batan bay, Aklan.

Maliban pa dito, ang mga baybayin sa Dauis at Tagbilaran city sa Bohol at sa Dumanquillas bay sa Zamboanga del Sur ay nananatili pa ring positibo sa red tide.

Kayat ayon sa BFAR, ang mga shellfish at alamang makukuha sa nabanggit na mga lugar ay hindi ligtas kainin.

Subalit ang isda, pusit, hipon at alimango ay ligtas na kainin basta’t sariwa at nahugasang maigi at natanggal ang hasang at bituka ng isda bago lutuin.