Tahasang isiniwalat ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go yap ang talamak na bentahan ng pekeng ID ng mga persons with disabilities (PWD) sa bansa.
Sa isang press conference sa Kamara, sinabi ni Yap na kumalat na ngayon ang mga fixer na nagbebenta ng pekeng PWD ID sa halagang P1,000 hanggang P3,000.
Nalaman aniya ito nang may inutusan siyang tao na kumuha ng PWD ID kahit na wala namang kapansanan pero nabigyan na wala man lang kahirap-hirap.
Gayunman, para matiyak na hindi lamang isolated case ito, sinabi ni Yap na inutusan niya ang 15 katao na kumuha ng naturang ID sa Maynila at Quezon City, at nabigyan din ang mga ito kaplit ng perang kanilang ibinayad.
Ayon kay Yap, nagagamit ng kanyang mga inutusang tao ang nasabing card sa iba;t ibang establisiyemento katulad na lamang ng mga restaurants.
Nakakapagtaka aniya at nakakalusot ang mga ito kahit pa peke ang kanilang ginagamit na PWD ID.
Kaya naman hinikayat ng kongresista ang mga alkalde na silipin ang proseso sa pagbibigay ng PWD ID dahil lumalabas sa ngayon na mayroon talagang pag-abuso rito.
Kanya ring hinimok ang mga may hawak na pekeng PWD ID na isuko ang mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na hindi malayong ilang bilyong piso na ang nawawala sa pamahalaan dahil sa talamak na bentahan ng pekeng PWD ID sa bansa.