-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ramdam na ng mga meat vendors sa Albay ang epekto ng banta ng African Swine Fever matapos mag-positibo sa sakit ng ilang baboy mula sa Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Legazpi-Albay Public Market Meat Vendors Association President Resalina Macam na nakapako pa rin naman sa P220 ang bawat kilo ang presyo ng mga naturang produkto, depende sa kung anong parte ng karneng baboy.

Pero hindi umano maiwasan ang pagdududa ng ilang mamimili kaya’t apektado pati ang suplay.

Ang dating apat hanggang walong baboy na kinakatay at nauubos mabili sa loob ng isang araw, ay hindi na raw nauubos ngayon at ginagawa na lang longganisa ng mga negosyante.

Iginiit ni Macam na ligtas sa ASF ang lahat ng mga baboy na kinakatay sa Legazpi City lalo na kung dumaan sa slaughter house.

Mabenta naman sa mga mamimili ngayon ang isdang kuwaw at iba pang uri ng isda na pinipilahan kahit mahal ang presyo sa bawat kilo.