-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na wala pa silang inilalabas na kautusan para sa mandatory repatriation o deployment ban sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Hong Kong sa gitna ng mga kilos protesta doon.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na hindi pa rin kasi itinataas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level na siyang magsisilbing basehan para sa mandatory repatriation ng mga Pilipino sa Hong Kong.

“Right now there is no communication from the DFA and even from the consulate of Hong Kong regarding the possibility of repatriation, either voluntary or mandatory. We are in close coordination with the DFA for any development,” ani Bello.

Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag sa gitna ng kumakalat na maling impormasyon sa mga social media posts.

Kasabay nito ay kanyang hinimok ang publiko na sa mga news advisories lamang ng ahensya at Philippine consulate makinig o maniwala sa mga impormasyon.

“I urge the public to ignore this fake news on the internet. For those spreading it, please stop and let us not aggravate the situation and endanger our OFWs (overseas Filipino workers). We should help our OFWs there by not giving them false news about [mandatory] repatriation,” dagdag pa nito.

Sa ngayon, pinayuhan lamang ni Bello ang mga Pilipino sa Hong Kong na manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan at iwasan pa rin ang pagsuot ng puti o itim na damit sa mga kalsada para hindi na rin mapagkamalan pa bilang mga raliyista.