LEGAZPI CITY – Handang-handa nang sumabak sa Binibining Pilipinas 2019 ang isang beauty queen mula sa Albay kasabay ng pagnanais na masungkit ang korona sa prestihiyosong pageant.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Francia Papa Layderos, na tubong Libon, Albay at isa sa mga opisyal na kandidata sa naturang pageant, isa sa mga itinuturing nitong inspirasyon si Miss Universe 2018 Catriona Magnayon Gray na mula rin sa lalawigan.

Aminado rin ito na magkahalong excitement at kaba ang kaniyang nararamdaman lalo pa at ito ang unang national pageant na kaniyang lalahukan at dahil na rin gutom sa korona ang lahat ng mga kandidata.

Kaugnay nito ay nanawagan ng dasal at suporta si Layderos sa mga kapwa Bicolano lalo pa at mahigpit aniya ang magiging laban sa kompetisyon.

Kuwento pa nito na nakatutok siya ngayon sa training sa tulong ng kaniyang mga mentor upang matupad ang matagal nang pangarap na magin kinatawan ng bansa sa international pageant.

Hi everyone! I am Francia Papa Layderos, 26, from the home of Bulkang Mayon and the oragon beauty queens, the Province…

Nai-post ni Legazpi City Albay noong Huwebes, Marso 21, 2019

Dagdag pa nito na magiging masaya siya anuman ang maging resulta ng kompetisyon lalo pa at isang malaking karangalan na ang pagiging bahagi ng BB Pilipinas.

Si Layderos ay suki na ng mga beauty pageants sa rehiyon kung saan nagsimula ito sa school based pageant sa Bicol University hanggang sa sumabak na sa Mutya ng Magayon, Mutya ng Ibalong, Miss Bicolandia, at marami pang iba.