BAGUIO CITY – Isinailalim na sa total lockdown ang buong bayan ng Sablan sa probinsiya ng Benguet matapos naitala ang kauna-unahang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ipatutupad ang lockdown sa naturang bayan sa loob ng 14 na araw.

Sa Executive Order na pirmado ni Sablan Mayor Manuel Munar Jr., kinokompleto na ang contact tracing na isinasagawa nila sa lahat ng nakasalamuha ng kauna-unahang pasyente ng COVID-19 doon.

Samantala, lumantad naman sa publiko ang sinasabing biktima ng covid na si Alexander Orogo, driver ng lokal na gobyerno ng Sablan at residente ng Poblacion, Sablan, Benguet.

Sinabi ng mga otoridad na asypmtomatic si Orogo at local transmission ang dahilan sa pagpositibo niya sa virus.

Samantala, kinumpirma ng Baguio General ang Medical Center na dalawa ang naidagdag sa bilang ng mga gumaling na sa sakit sa siudad ng Baguio.

Nagpasalamat ang mga ito sa mga health care workers na nag-alaga sa kanila habang nagpapagaling sila sa sakit.