-- Advertisements --

Hindi raw suportado ng Bayan Muna ang panunumbalik ng joint exercises ng tropa-militar ng Pilipinas at Estados Unidos dahil posible umano itong maging dahilan para mas lumala ang tensyon sa pagitan ng Amerika at China sa West Philippine Sea.

Ayon kay House deputy minority leader at Bayan Muna representative Carlos Zarate, posible raw na maipit ang Pilipinas sa girian ng Amerika at China.

Mas makabubuti raw para sa gobyerno ng Pilipinas na i-assert muna ang soberanya ng bansa sa WPS .

Ang magagawa umano ng gobyerno ngayon ay hikayatin ang de-escalation ng tensyon sa WPS at i-demilitarize ang lugar.

Maaari aniyang makatulong ang mga mambabatas para pahupain ang tensyon sa WPS. Nanawagan si Zarate sa mga lider ng Kongreso na humingi ng suporta mula sa Asian Parliamentary Association (AIPO) at Inter-Parliamentary Union (IPU) para kondenahin ang ginagawa ng Beijing sa South China Sea.

Binuksan muli ang Balikatan Exercises ng US at Philippine Armed Forces noong Lunes, Abril 12 sa kabila ng tensyon sa West Philippine Sea.