LEGAZPI CITY- Isinailalim na sa total lockdown ang bayan ng Bacacay at dalawang barangay sa Lungsod ng Legazpi kung saan nagmula ang tatlong pasyente na unang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) positive sa Bicol.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Mayor Noel Rosal, agad na ipinag-utos ang pagsara sa barangay 13 at 14 ng lungsod kung saan wala nang pinapayagan na makapasok o makalabas sa layuning ‘di na kakalat pa ang virus.
Kinumpirma ng alkalde na isa sa COVID 19 patient ay American national na may nobyang residente ng Legazpi at nag-check-in sa isang hotel sa barangay 14 kung saan ipinatupad ang lockdown.
Nagsagawa na rin ng disinfection sa mga apektadong lugar habang sinimulan na ang contact tracing sa lahat ng taong maaaring nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Sa ngayon, mahigpit na tinututukan ng lokal na gobyerno ang paghahanap sa mismong girlfriend ng American national na hindi pa rin umano mahagilap.
















