-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng panganay na anak ng pinaslang na mambabatas na si Party-list Cong. Rodel Batocabe nang malamang tatlo sa mga nabiyayaan ng bahagi ng P35 million bounty ang bumaligtad sa testimonya.

Kahapon sa isinagawang pagdinig sa House Committee on Public Accounts sa pamumuno ni Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor, lumutang ang impormasyon na tatlo sa mga suspek sa krimen ang nakatanggap pa ng pera kapalit ng impormasyon na dahilan ng pagkakaaresto ng iba pang sangkot.

Sinabi ni Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng pinaslang na mambabatas sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sana ay maiging nabantayan ng kapulisan subalit ipinagpapasalamat pa rin ang tulong ng mga ito.

Maging ang pagbibigay ng oras ng mga kaibigan at dating kasamahan ng ama sa naturang isyu ay ikinatuwa ng pamilya.

Nais din nitong malinawan sa iba pang impormasyon sakaling makadalo sa susunod na pagdinig si retired Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.

Naniniwala naman si Defensor na “fully accounted” na ang P35 million bounty batay na rin sa pahayag ni Maj. Gen. Amador Corpus, na director ng PNP Human Resource and Doctrine Development sa executive session.

Mula sa Office of the President ang P20 million ng bounty, P13 million sa mga miyembro ng Kamara sa 17th Congress, at P2 million sa Albay provincial government