Nakatakda nang imbestigahan ng House Public Accounts Committee ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa utilization ng P35 million bounty laban sa mga pumaslang kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, ang chairman ng komite, naihain na ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr., ang House Resolution No. 384 na nagpapatawag ng imbestigasyon sa disbursement ng bounty na pinag-ambagan nina Pangulong Rodrigo Duterte, Kamara, at Albay provincial government.
Nakasaad sa resolusyon ni Abante na may nakarating na nakakabahalang impormasyon sa kanyang opisina kung saan hindi pa rin natatanggap ng ilang witnesses ang kanilang share sa pabuya.
“They are now in fear for lack of financial capacity to secure themselves and their families against bodily harm,” ani Abante.
Dahil bigo ang mga witnesses na ito na matanggap ang kanilang bahagi sa reward, sinabi ni Abante na nag-aalinlangan na ang mga ito na tumestigo sa Batocabe slay case laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Sa kabuuang halaga ng bounty, P20 million ang nagmula sa Office of the President, P13 million ang mula sa Kamara, at karagdagang P2 million mula sa Albay provincial government.
Noong Enero 23, personal na iniabot ni dating Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa P8 million cash kay PNP Chief Oscar Albayalde para sa safekeeping at disbursement ng ahensya sa mga qualified witnesses.