-- Advertisements --

Hindi nababahala ang Department of Health (DOH) sa pinakabagong inilabas na datos ng US Center for Disease Control and Prevention (US-CDC) kung saan muling ibinilang nito sa kanilang high risk list ang Pilipinas.

Sa isinagawang media forum ngayon ng kagawaran ay binigyang-diin ni DOH officer-in-charge at undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pinagkaiba ng ginagamit na metrics ng US-CDC at ng kanilang kagawaran sa pagtukoy ng risk classification ng ating bansa.

Paliwang niya, sa incidence rate na triangulated sa testing data ng isang bansa ang basehan ng CDC.

Ibig sabihin, nakabatay sa bilang ng mga kaso ng nasabing sakit at sa bilang ng mga indibidwal na nagpopositibo dito ang batayan ng pagtukoy ng US-CDC sa risk classification ng isang bansa.

Bagay na ayon kay Vergeire ay kinakailangan pa ng mas malalim na pag-analisa.

Sa pagtukoy kasi aniya ng kagawaran sa risk classification ng ating bansa ay hindi binibigyan ng equal weight ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dito kumpara sa health care utilization.

Hindi naman kasi aniya lahat ng nagpopositibo sa COVID-19 ay nasa severe at critical ang kalagayan habang sa kabila nito ay patuloy din naman daw kasi aniyang napapanatili ang health care system sa ating bansa.

Magugunita na una rito ay iniulat na rin ng DOH na nananatiling nasa low risk sa COVID-19 ang Pilipinas kahit na bahagyang nagkaroon ng pagtaas sa bilang ang mga pasyenteng ina-admit sa mga intensive care unit sa mga ospital.

Nananatili kasi na mas mababa ang average attack daily attack rate (ADAR) na mayroong 3.51% kada 100,000 population.

Kinakailangan kasing pumalo muna sa anim na kaso ng COVID-19 per day ang maitatala kada 100,000 na populasyon bago ikonsidera ang isang lugar na kabilang sa moderate risk.