Binigyang-diin ni Senator Richard Gordon na ang Motorcycle Crime Prevention Law ay magiging daan upang protektahan ang publiko mula sa mga kriminal na ginagamit ang motorsiklo upang isagawa ang isang krimen.
Sinabi ni Gordon, na siyang may akda sa Republic Act No. 11235, na nagpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tao na pinapatay ng mga riding-in-tandem assassins sa Pilipinas kung kaya’t naniniwala ito sa agarang implementasyon ng naturang panukala.
Sa pamamagitan din aniya nito ay mabibigyan ng kasiguraduhan ang mga may-ari at riders ng motorsiklo na kailanman ay hindi sila magiging biktima o magagamit sa anumang iligal na gawain.
Base raw sa monitoring ng opisina ni Gordon ay mayroong 147 bikrima ng motorcycle-riding gunmen simula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2020, habang walo naman simula noong Enero 1 hanggang 16 ng kasalukuyang taon.
Ayon pa sa senador, patuloy ang terorismo na ginagawa ng mga mamamatay tao na ito sa bansa dahil nagagawa pa rin nilang kumitil ng buhay kahit nahaharap sa pandemic ang buong mundo.
Nababahala rin umano ito sa pagiging talamak ng patayan saan mang sulok ng bansa.
Nakamandato sa R.A. 11235 ang paggamit ng mas malaki, readable at color-coded plates upang nang sa gayon ay kaagad matuloy ang mga motorsiklo na ginagamit sa krimen at para na rin maiwasan ang paggamit sa mga ninakaw na number plates.
Nakasaad din dito na kinakailangan siguruhin ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistro ng mga motorsiklo para mas maging madali ang information retrieval na gagamitin naman sa imbestigasyon at law enforcement purposes.
Saad pa ni Gordon na pakikiusapan ng Senado ang LTO para ilabas na ang kanilang mga computers at kaagad maipatupad ang bagong plaka.