-- Advertisements --

Nilagdaan na ni pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpapalawak sa saklaw ng Sotto Law o ng Republic Act 53 na nagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag para hindi obligadong tukuyin ang “source” ng balita o impormasyon.

Kung dati ay tanging mga publisher, editor at reporter ng anumang pahayagan ang excempted sa pagsisiwalat ng kanilang source ng impormasyon para sa isang nalathalang balita, sakalw na sa Republic Act 11458 ang mga reporter o journalist, writer, reporter contributor, opinion writer, editor, columnist, manager, media practitioner na sangkot sa pagsulat, editing, production at pagpapakalat ng balita sa mass circulation ng anumang print, broadcast, wire service organization o electronic mass media kasama na ang cable television.

Nakasaad sa batas na hindi sila obligadong pangalanan ang kanilang source ng balita o impormasyong ipinagkatiwala sa kanila, maliban na lamang kung hihingin ito ng korte, Kamara, Senado o anumang komite ng Kongreso at kinakailangan dahil sa seguridad ng estado.

Pirmado ni Pangulong Duterte ang batas nitong Agosto 30 at magiging epektibo makalipas ang 15 araw matapos mailathala sa dalawang pahayagan na may national circulation.