LEGAZPI CITY- Nanindigan ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na napapanahon ng magpasa ng batas sa Pilipinas na magbibigay ng parusa sa red tagging, ang tawag sa pagsangkot sa isang indibidwal o grupo sa mga Communist Terrorist Group (CTG).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NUJP Chairman Jonathan Santos, nagpahayag ito ng suporta sa isinusulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na Senate Bill No. 2121 o ang “Act Defining and Penalizing Red-Tagging” kung saan maaring maparusahan ng hanggang 10 taong pagkakakulong ang mga mapatutunayang sangkot sa red tagging.
Binigyang diin ni Santos na importanteng maipasa ang resolusyon lalo pa’t marami ang nabibiktima sa ngayon ng red tagging hindi lang mga aktibista at progresibong grupo maging mga miyembro ng media.
Ibinigay rin nitong halimbawa ang kaawa-awang sinasapit ng mga biktima ng red tagging na kung hindi inaatake ng di nakikilalang suspek ay napapatay sa operasyon ng mga otoridad.
Maalalang ngayong buwan lang ng kondenahin ng maraming grupo ang ipinalabas na memo ng DILG kung saan partikular na pinangalanan ang grupong COURAGE at ACT-Teachers na umano’y mga front ng mga komunista at teroristang grupo.