-- Advertisements --
image 260

Nailigtas ng pulisya ang isang 8-taong gulang na batang babae na kinidnap at inilagay sa loob ng maleta ng salarin.

Sa isang CCTV footage makikita na kinuha ng salarin ang bata, na half-filipina at half-korean, mula sa kaniyang tirahan sa Barangay Bakilid, Mandaue City at pagkatapos ay inilagay sa loob ng malaking itim na maleta.

Pagkatapos ay kinaladkad ng lalake ang maleta mula sa bahay hanggang sa kalye.

Agad namang nag-post ang ina ng bata ng mga larawan at video ng insidente at humingi ng tulong.

Ayon kay Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng Police Regional Office 7, matapos malaman ang insidente dakong alas-5 ng hapon, agad na bumuo ng team ang pulisya para hanapin ang biktima.

Inabot ng 3 oras ang mga pulis upang iligtas ang bata at madakip ang suspek na umanong caretaker ng apartment ng pamilya ng biktima.

Natagpuan din sa inuupahang apartment ng suspek ang maletang ginamit sa pagkidnap.

Dagdag pa ni Pelare,sinamantala umano ng salarin ang pagiging pamilyar niya sa biktima sa pagsasagawa ng kanyang kriminal na plano.

Ayon pa kay P/Col. Jeffrey Caballes, hepe ng Mandaue City Police Station, may sama ng loob ang suspek sa mga lolo’t lola ng bata.
Nasa kustodiya na ngayon ng kanyang mga magulang ang menor de edad na biktima sa tulong ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk ng PRO 7 at Department of Social Welfare and Development.

Sumailalim na sa booking procedures ang suspek habang inihahanda ang mga kasong kidnapping laban sa kanya sa korte.

Patuloy naman na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.