Suportado ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang panukala ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bumuo ng isang district office para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para mapabilis ang pag-aayos ng mga nasirang daan at tulay dulot ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Hataman kaniya na itong ipinanawagan nuong 18th Congress.
Malaking pinsala ang iniwan ng Bagyong Paeng sa Maguindanao lalo na sa mga daan at tulay.
Naging mahirap din ang pagpapadala ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad dahil walang mga daan at tulay na madaanan.
Naniniwala si Hataman na mahagalaga ang pagtatayo ng isang tanggapan ng DPWH sa BARMM na mangangasiwa hindi lamang sa pagkumpuni ng mga damaged infrastructure dulot ng Bagyong Paeng.
Inihain ni Hataman ang House Resolution No. 333 nuong nakaraang Kongreso.
Layon ng nasabing House Resolution para mapadali ang implementasyon ng mga proyekto sa BARMM, dahil batay sa kanilang obserbasyon may kahirapan ang implementasyon ng national infrastructure projects sa BARMM dahil sa kawalan ng national office ng DPWH dito.
Giit ng mambabatas na isang praktikal na mungkahi ang pagbubuo ng district engineering office ng DPWH sa bawat lalawigan ng BARMM upang mapangalagaan ang mga pambansang daanan o national highways.
Punto ni Hamatan sa sandaling mayruon ng DPWH District Office, maiwasan na magturuan kung sino ang mangangalaga sa pagkumpuni ng mga kalsada pagdating ng panahon.
Hiling ng Basilan solon sa 19th Congress at sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na ituloy na ang pagtatayo ng DPWH District Engineering Offices sa bawat lalawigan ng BARMM.