-- Advertisements --

Nananawagan ngayon si Basilan Representative Mujiv Hataman ng ceasefire o tigil putukan sa pagitan ng militar at mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasunod ng nangyaring enkwentro sa pagitan ng dalawang pwersa sa Barangay Ulitan sa Ungkaya Pukan sa Basilan.

Ikinalungkot ng mambabatas ang nangyaring labanan kung saan limang sundalo ang naiulat na nasugatan.

Sinabi ni Hataman na mahalaga ang tigil putukan sa pagitan ng dalawang sangkot na pwersa, ito ay para sa kaligtasan ng mga mamamayan na maaring madamay sa palitan ng putukan at para hindi na lumala pa ang sitwasyon dahil kawawa ang maiipit na mga sibilyan.

Nagtataka din si Hataman kung bakit nagkasagupaan ang mga sundalo at MILF na wala namang nangyayaring giyera sa nasabing probinsiya dahil may kasunduan para sa kapayapaan sa pangunguna ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pinamumunuan ng MILF.

Ayon kay Hataman mayruong mekanismo na koordinasyon sa pagitan ng Ad Hoc Joint Action Group (AGJAG).

Dahil dito nais ng Basilan solon na magpaliwanag ang mga sundalo at MILF hinggil sa nangyaring sagupaan.

Nananawagan din ito na rebyuhin ang mekanismo sa pagitan ng pamahalaan at MILF lalo na ang kooperasyon ng magkabilang panig.

Punto ni Hataman na panahon na para pagtibayin na ang mga proseso para hindi na nagkakaroon ng mga ganitong klase ng engkwentro na hindi lamang inilalagay sa peligro ang buhay ng mga tao, kundi pati na rin ang kapayapaang matagal nating pinaghirapang matamo.