Suportado ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda ang paghahain ng reklamo ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas sa Malacanang labang sa Panay Electric Company (PECO).
Iginiit ni Baronda na kaligtasan ng humigit kumulang 65,000 electric consumers ang nakasalalay dito.
Sa pamamagitan din nito ay umaasa ang kongresista na kaagad na maatasan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na umaksyon upang sa gayon ay hindi na maulit pa ang pagkakasunog ng siyam na poste ng PECO sa pagitan ng Oktibre 19 hanggang 21.
Samantala, sinabi rin ni Baronda, maging ni PBA Party-list Rep. Jericho Nograles na susubaybayan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon na inilunsad ng ERC sa naganap na sunog.
Pinabibilisan naman ni Nograles sa ERC ang pagtugon sa reklamo laban sa PECO sapagkat nakasalalay dito ang buhay ng maraming residente ng lungsod ng Iloilo.
Samantala, sinabi naman ni Baronda na posibleng kanselahin nila ang temporary Certificate of Public Convenience and Necessicty ng PECO sa oras na mapatunayan ng ERC na nagkaroon ng kapabayaan ang naturang kompanya.