Inamin ni Baron Geisler na minsang gumamit siya ng ilegal na droga sa loob ng station network nito noon, bago mag-perform sa programang ASAP, sa kasagsagan ng kanyang career bilang bahagi ng “Tabing Ilog” at ng dance trio na “The Koolits.”
Sa panayam ni Luchi Cruz-Valdes na ibinahagi sa YouTube noong Hulyo 24, binalikan ng aktor ang kanyang madilim na nakaraan at kung paano siya dinala nito sa adiksyon.
Ayon kay Baron, nagsimula siyang gumamit ng droga at uminom ng alak sa murang edad na 12 hanggang 14, at noong 14 ay gumagamit na siya ng matitinding klase ng droga tulad ng meth. Inilahad din niyang nagkulang siya sa emosyonal na koneksyon sa kanyang mga magulang, at ito’y sinamahan pa ng mahigpit at marahas na disiplina.
“Habang wholesome pa ‘yung image ko sa ‘Tabing Ilog,’ high na ako noon kapag nagpe-perform sa ASAP,” aniya. “Pumapasok ako sa cubicle sa ABS, nagda-drugs, tapos parang walang nangyari.”
Inamin pa ni Baron na naging “addicted” siya sa kapangyarihan at sa pakiramdam ng pagiging untouchable, lalo na’t ginagamit umano ng kanyang pamilya ang koneksyon para iligtas siya sa mga gulo.
Ibinahagi rin niya ang ilan pang mabibigat na karanasan tulad ng pagkakakulong, pagbabalik sa bisyo matapos mamatayan ng ina, at pagbili ng P1 million halaga ng cocaine. Sa huli, humingi siya ng tulong sa kanyang mga kapatid upang makapasok sa rehabilitasyon.
Nilinaw rin niya na ilang mga kontrobersyang kinasangkutan niya matapos ang rehab na bahagi lamang aniya ng isang social experiment upang manipulahin ang sistema.