SULTAN KUDARAT – Maglalaan daw ng P15-milyong pondo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para magtayo ng isa pang laboratory testing facility sa COVID-19.

Sa isang panyam sinabi ni Bangsamoro Inter-Agency Task Force spokesperson Mohd Asnin Pendatu, na gagamitin ang nasabing budget para magkaroon ng testing facility ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi, Lanao del Sur.

Ang hakbang na ito ay bunsod daw ng influx o biglang buhos ng mga umuwing locally stranded individuals at OFW na residente ng rehiyon.

Kailangan na rin daw kasi ng karagdagang isolation facilities at testing centers para sa mga umuwing residente.

Sa ngayon may GeneXpert machine daw na ginagamit ang nasabing ospital, pero mas mabuti umano na i-upgrade ang laboratoryo para magkaroon din ito kapasidad sa RT-PCR test.

Bukod sa APMC, gumagamit na rin ng GeneXpert machines ang Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Maguindanao para sa tuberculosis detection.

Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na gagamitin din ng bansa ang GeneXpert testing dahil may kakayahan itong maka-detect ng COVID-19 virus. Ito’y kahit orihinal na dinisenyo para sa TB.

Umaasa ang BIATF na agad aaksyunan ng Health department ang kanilang magiging aplikasyon para sa laboratoryo.

Bukod sa Lanao del Sur, target din daw ng regional government na magtayo ng laboratoryo sa iba pang lalawigan ng rehiyon.