-- Advertisements --

Aminado ang isang opisyal mula sa Bangsamoro Automonous Region of Muslim Mindanao (BARMM) na malaking hamon ang haharapin ni Agriculture Sec. Manny Piñol sakaling matuloy ang appointment nito bilang pinuno ng Mindanao Development Authority.

Sa isang panayam sinabi ni BARMM interim chief minister Murad Ebrahim na malamig pa rin ang loob ng mga taga-Bangsamoro sa kalihim dahil sa paninindigan nito noon kontra sa pagbuo ng rehiyon.

Bagamat irerespeto daw ng kanilang hanay ang ano mang desisyon ng pangulo, ani Ebrahim, may agam-agam pa rin ang ilang Bangsamoro officials sa magiging tungkulin ni Piñol sa rehiyon.

Kamakailan nang magbitiw sa pwesto bilang kalihim ng DA si Piñol pero hindi pa man tuluyang nakakababa ng posisyon ay nagpahayag si Duterte ng panibagong appointment dito.

Kung maaalala, isa si Piñol sa mga nagsulong na ibasura ang memorandum of agreement on ancestral domain ng mga Bangsamoro noong 2008.