-- Advertisements --
MP Zia Alonto Adiong
MP Zia Alonto Adiong

Denipensahan ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) assemblyman Zia Alonto Adiong ang pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo sa Lanao del Sur noong 2016 national elections.

Sa isang Facebook post, iginiit ni Adiong na tanging si Robredo lamang ang vice presidential candidate ang naglaan ng panahon para bisitahin ang Marawi City at nagsagawa ng political rally bago ang halalan noong 2016.

Ito ayon kay Adiong ang dahilan kung bakit nahikayat aniya ang mga taga-Lanao del Sur na butohin at ipanalo sa lugar si Robredo.

“We couldn’t expect less from a candidate running for a national office especially if one is up against a well-known political name and is practically fighting an uphill battle. She was effective in doing exactly that. She introduced herself directly to the locals, appealed to them, shook hands with them and went on with her sorties in Marawi and other areas in the province alone. Yes, alone,” ani Adiong.

Magugunita na sa electoral protest ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, na tumakbo rin sa vice presidential race noong 2016 pero natalo kay Robredo, isa ang resulta ng halalan sa Lanao del Sur sa mga lugar na kanyang kinukuwestiyon dahil sa umano’y terorrorism, violence, force threats, intimidation, pre-shading ng mga balota, at vote substitution.

Pero hindi kumbinsido si Adiong sa akusasyon ni Marcos na nagkaroon ng pandaraya sa botohan sa Lanao del Sur at katawa-tawa aniya na kuwestiyunin ang pagkakapanalo ni Robredo sa lugar.

Si Robredo lamang daw kasi ang nagpakita ng interest sa pamamagitan nang pagkampanya sa Marawi City na walang kasamang iba pang national candidates.

Kahapon, matapos na aprubahan ng Korte Suprema ang paglalabas ng initial recount results sa election protest ni Marcos kontra Robredo, sinabi ng dating senador na ninakawan siya ng huli ng tatlong taon sa kanyang dapat anim na taong termino bilang bise presidente.

Iginiit ni Marcos na biktima siya ng malawakang pandaraya noong 2016 national elections.

Robredo

Naging maanghang ang buwelta ni Robredo laban sa akusasyon na ito ni Marcos.

“Parang nakakatawa naman na siya iyong nagsasabi noon. Kasi between the two of us, parang hindi yata ako ang may ugaling mag-rob. Between the two of us, lahat ng na-achieve ko pinagpaguran ko. Wala akong fake diplomas, wala akong anything. Hindi ako naglalabas ng fake news. Parang… Parang dapat… dapat hindi niya kaya iyon sabihin kasi between the two of us, alam ko hindi ako iyong robber,” ani Robredo.