-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang patong-patong na kasong kakaharapin ng isang lalaki sa Albay matapos na makuhanan ng mga armas at mga pinaniniwalaang nakalalasong kemikal.

Kinilala ang suspek na si Michael Armenta, 36, residente ng Sitio Boga, Brgy. Nabonton, Ligao City.

Nabatid na hinuli si Armenta matapos ang isinagawang pagsisilbi ng search warrant sa bahay nito ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) Albay, Regional Intelligence Division 5, Albay 1st Provincial Mobile Force Company, Regional Maritime Unit, tropa mula sa Philippine Air Force at Ligao City Police Station.

Nagresulta pa ito sa pagkakaaresto kay Armenta at pagkakarekober ng isang yunit ng caliber .45 na baril, 14 na bala at dalawang stainless steel magazines para sa naturang baril.

Habang nagsasagawa ng paghahalughog, namataan din ang walong steel drums na laman ang oil na walang kaukulang dokumento mula sa DENR-Environment Management Bureau (EMB).

Sasampahan ito ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.