-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isinailalim sa tatlong araw na lockdown ang isang barangay sa bayan ng San Juan, Ilocos Sur kaugnay ng naipatupad na enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Camindoroan, San Juan Barangay Chairman Gaudelio Delos Santos, sinabi nito na ipinag-utos ni Mayor Elaine Sarmiento na isailalim ang kanilang barangay sa tatlong araw na lockdown dahil sa katigasan ng ulo ng ilang mga residente lalo na sa hindi pagsunod sa itinakdang curfew hours.

Ipinaliwanag naman nito na hindi naman intensyon ng mga residente sa nasabing barangay na lumabag sa curfew hours ngunit nagkataon lamang na maraming tao ang tila nakatambay sa mga kalsada at sari-sari store noong sorpresang naglibot ang ilang tauhan ng munisipyo kaya inakala ng mga ito na hindi nila sineseryoso ang naipatupad na curfew hours.

Ipinangako nito kasabay ng pagtatapos ng pagkaka-lockdown ng kanilang barangay kahapon ay binilin na nito ang mga kapuwa barangay officials pati ang mga barangay tanod na bantayang maigi ang mga sari-sari store sa kanilang barangay at pauwiin kaagad ang mga residente matapos mabili ang kanilang mga kailangan.