BAGUIO CITY – Isinailalim na sa total lockdown ang isang barangay ng bayan ng Itogon, lalawigan ng Benguet matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang residente nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Itogon Mayor Victorio Palangdan na nagpositibo sa nasabing virus ang isang lalaking 40-anyos na nagtatrabaho bilang jail officer sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ar residente ng Barangay Ucab.
Paliwanag niya, umuwi ang jail officer sa Itogon dahil may inihatid silang bangkay ng isang bilanggo sa Barangay Loakan, Itogon.
Aniya, negatibo ang rapid test result ng jail officer bago ito umuwi ng Itogon ngunit sa resulta ng swab test nito mula Research Institute for Tropica Medicine (RITM) ay positibo ito sa COVID-19.
Malawak aniya ang sakop ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing jail officer at asawa nito dahil marami silang pinuntahan.
Ayon kay Mayor Palangdan, nagtungo ang asawa ng jail officer sa sentro ng bayan, nagpa-check up, nagtungo ng palengke at pumasok pa ng isang bangko.
Nakasalamuha pa ng pasyente ang mga kasamahan nitong jail guards na umuwi din ng Nueva Vizcaya at mga kamag-anak nito sa Barangay Gumatdang, Itogon.