GENERAL SANTOS CITY – Malungkot na sasalubungin ng pamilya Nilong ang bagong taon matapos na binaril-patay ng hindi kilalang lalaki ang kanilang padre de pamilya sa Miranda Street, Brgy. Poblacion, Polomolok, South Cotabato.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Captain Brandie Rasos ng Polomolok Municipal Police Station, nagpapatuloy sa ngayon ang hot pursuit operation ng mga otoridad upang mahuli ang suspek.

Kinilala ang biktima na si Abdullah Nilong II, may asawa at Barangay Captain ng Lapu Polomolok, South Cotabato.

Nangyari ang pamamaril habang ang biktima ay naglalakad lamang sa nabanggit na lugar habang ang suspek ay pa-simple lamang na naglakad palayo sa crime scene na tila walang nangyari.

Nagtamo ng maraming sugat sa ulo ang naturang barangay captain na siyang sanhi ng pagkamatay nito.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang tatlong fired cartridge cases ng hinihinalang .45 caliber pistol.

Kaagad namang inilibing ang biktima alinsunod sa paniniwalang Islam.