-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kabilang na sa ngayon ang mga barangay tanod, barangay health worker at day care workers sa mga makakatanggap ng financial assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program ng gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia na batay sa ibinabang kautusan, makakatanggap rin ng P5,000 ayuda ang mga naturang indibidwal na alinsunod sa inilatag na kwalipikasyon ng ahensiya.

Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng mababang sahod o kabilang sa minimum wage earner, walang trabaho ngayong Enhanced Community Quarantine, may kamag-anak na kabilang sa mga itinuturing na disadvantaged person at solong nagtatrabaho sa pamilya.

Hinihintay pa sa ngayon ang pondo para sa naturang ayuda subalit tiniyak ng opisyal na nasa proseso na ang pag-release nito.

Samantala, nasa 55 percent ng mga benepisyaryo sa Bicol ang nabigyan na ng social amelioration kung saan nasa 50,000 ang napaabutan ng nasa P250 milyon.