Matapos magkampeyon kagabi ang Barangay Ginebra sa PBA Governors’ Cup, nangako ngayon ang kanilang point guard at may dugong Batangueno na si LA Tenorio na agad magpapadala ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal.

Ang angkan ni Tenorio na ngayon ay naninirahan sa Nasugbu sa Batangas ay mula sa Taal at isa raw sa mga barangay doon ay dala-dala ang Tenorio bloodline.

-- Advertisement --

Sa katunayan pupunta raw mismo ito sa Batangas para personal na magbigay ng kasiyahan sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan.

Ayon kay Tenorio lumapit na rin daw sa kanya si PBA Commissioner Willie Marcial para sa sariling outreach naman ng liga at nagbigay na rin ito ng donasyon.

Una rito, may tulong na raw ang 5-foot-9 point guard na donasyon sa kanyang immediate family dahil mayroong 60 na kamag-anak ang kanyang tatay doon sa Batangas na naninirahan sa ngayon sa iisang bahay.

Inihahandog din ng Gin Kings ang kanilang panalo kontra Meralco sa mga biktima ng Taal eruption.

Kagabi nang tuluyang padapain ng Gin Kings sa Game 5 ang Bolts sa score na 105-93.