-- Advertisements --

Nakatakda na raw ilabas ng Supreme Court (SC) ang resulta ng Bar examination sa susunod na linggo.

Sa inilabas na statement ni 2020/2021 Bar Examination bar chairperson SC Associate Justice Marvic Leonen, magsasagawa raw ang mga ito ng special en banc session para pag-usapan ang kanyang report kaugnay ng kauna-unahang digital bar examination.

Sinabi ni Leonen na posibleng ilabas ito sa April 12.

Kung maalala, noong hindi pa digitalized ang bar examination sa mga nakaraang taon ay inaabot ng lima hanggang anim na buwan bago ilabas ang resulta ng eksaminasyon.

Ang bar examination noong hindi pa nagkaroon ng pandemic ay isinasagawa sa apat na linggo ng buwan ng Nobyembre at Abril o Mayo na ng susunod na taon inilalabas ang resulta.

Una rito, sa pagsisimula ng binansagan ni Justice Leonen na #bestbarever noong buwan ng Pebrero, sinabi nitong mas mapapaaga ang paglalabas ng bar exam result kumpara sa mga nakaraang bar examination.

Samantala, pinaplantsa na rin ng SC ang oath taking ng mga bagitong abogado.

Ayon sa SC isasagawa ang panunumpa ng mga bagong abogado sa Mayo 2 ngayong taon.

Ngayong taon nasa 11,790 na mga bagong law graduates ang nagbayad ng kanilang application fee para sa bar exam pero nasa 11,405 lamang ang nag-download ng examination files.

At dahil sa pandemic, kakaiba ang naging sistema ng bar exam ngayong taon dahil bukod sa digitalized at isinagawa ito sa iba’t ibang lugar sa bansa hindi gaya noon na isinasagawa lamang ito sa Metro Manila ay nabawasan din ang subject na ite-take ng mga bar hopefuls.

Mula sa dating walong subject ay naging apat na lamang ito ngayon.

Mula naman sa dating apat na araw ng eksaminasyon ay naging dalawa na lamang ngayong taon.

Umaasa naman ang bar chairperson ng bestbarever bar examination na maraming papasa sa prestihiyosong examination ngayong taon na nataon sa panahon ng pandemic.

Kung maalala, ilang beses ding ipinagpaliban ang bar exam dahil na rin sa pagsipa noon ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.