ILOILO CITY – Bangkay na nang matagpuan ang isang miyembro ng bantay dagat.
Ang biktima ay si Rosebert Patente, 40-anyos, residente ang Sitio Miape, Brgy. Igbon, Concepcion, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Ronnie Brillo, hepe ng Concepcion Municipal Police Station, sinabi nito na pumalaot umano ang biktima upang mangisda, ngunit hindi ito nakauwi.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) at nakita ang bangka na ginamit ni Patente ngunit hindi nakasakay ang biktima.
Sinisid ng rescue team ang lugar at nakita ang wala nang buhay na katawan ni Patente.
Ayon kay Brillo, may nakitang lubid na nakatali sa paa ni Patente at maaring may sinisid ito at posibleng na-trap sa ilalim ng dagat.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Concepcion PNP hinggil sa insidente.