VIGAN CITY – Nananatili umanong zero casualty o wala pang naitatalang patay dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansang Namibia kahit na tuloy-tuloy ang paglobo ng bilang ng mga nadadapuan ng nasabing sakit sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Mary Faye Antazo na isang nurse sa Windhoek, Namibia, sinabi nitong nasa ikalawang linggo na umano silang walang naitatalang namatay dahil sa nasabing sakit.
Aniya, sa 16 na nagpositibo sa COVID-19 sa Namibia, ilan umano sa mga ito ang mayroong mild kaya hindi sila nananatili sa mga ospital.
Idinagdag pa nito na wala umano silang naitatalang local transmission ng COVID-19 kundi pawang mga turista o dayo lamang sa Namibia ang mga naitalang positibo sa nasabing sakit.
Samantala, kahit mababa ang bilang ng mga COVID-19 patients sa Namibia, mahigpit umanong ipinapatupad ang lockdown sa bansa at ang bilin na magsuot ng face masks kapag lalabas ng bahay, kasama na rin ang mahigpit na pagsunod sa social distancing.