-- Advertisements --

Magtataas din ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng kanilang policy rate sa 0.75 percentage point sa Nobiyembre 17 kayat magiging 5% na ito sa kabuuan.

Sinabi ito ni BSP Governor Felipe Medalla ilang oras matapos mag-anunsiyo ang US Federal Reserve System ng pagtaas sa 3.75% hanggang 4% ng kanilang target range para sa federal funds rate mula sa dating 3% hanggang 3.25% noong Setyembre 21.

Paliwanag ng BSP na kailangang mamintina ang prevailing interest rate differential bago ang panibagong US Federal rate hike alinsunod sa kanilang price stability mandate at pangangailngan para matapatan ang impact ng exchange rate sa bansa dala ng kasalukuyang rate hike sa US Fed.

Nitong Miyerkules, tumamlay ang halaga ng Philippine peso ng 50 centavos na nagsara sa P58.47 kontra sa isang dolyar mula sa P57.97 kontra isang dolyar sa nakalipas na trading day.

Bagamat ayon sa BSP chief bumaba ang reserves ng BSP sa nakalipas na buwan, maaari pa ring i-tap ng central bank ang ibang sources ng dolyar.

Sa pagtatapos kasi ng buwan ng Setyembre, ang gross international reserves ng BSP ay nasa $93 billion, bumaba ito ng $4.4 billion mula sa dating $97.4 billion noong katapusan ng Agosto.

Ani Medalla ang gross international reserves ng central bank ay suportado ng steady inflows ng foreign exchange mula sa mga remittances ng ating mga kababayang OFWs, mula sa business process outsourcing (BPO) at foreign direct investments.

Una ng sinabi ni Medalla at Finance Secretry Benjamin Diokno na maliban sa pagbebentang dolyar bilang intervention, tinutugunan din ng BSP ang paghina ng halaga ng Peso sa pamamagitan ng pagtataas ng policy rate.