-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nangangamoy at naaagnas na ang bangkay ng isang lalaki ng matagpuan sa masukal na lugar sa Barangay Banica, Roxas City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay PLt. Col. Francisco Paguia, hepe ng Roxas Component City Police Station, sinabi nito na batay sa imbestigasyon ng pulisya, natagpuan ng isang mangangahoy ang bangkay ni Jemboy Bacud, 22 anyos residente ng Purok 1 Barangay Libas.

Napag-alaman na kilalang notoryus na kawatan si Bacud kung saan noong menor de edad pa lamang ay kasama ito sa mga nahuli sa drug buy bust operation ng pulisya at nakulong.

Nakalabas lamang ito matapos naka-avail sa plea bargaining agreement noong nakaraang taon.

Tinitingnan na anggulo at motibo ng mga pulis sa pagpaslang kay Bacud ang iligal na aktibidad na kinasasangkutan nito kabilang ang pagnanakaw at iligal na droga.

Samantala hinihintay rin ang resulta ng imbestigasyon ng SOCO matapos may nakitang sugat sa leeg at ulo ng biktima na pinaniniwalaang gun shot wounds.