VIGAN CITY – Hindi na umano ipapa-autopsy ng pamilya ng lalaking mayroong dipirensiya sa pag-iisip ang bangkay nito matapos makitang palutang-lutang sa Abra River sa boundary ng Barangay San Mariano, Bantay, Ilocos Sur at Barangay Palang, San Quintin, Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Executive Master Sergeant Ferdinand Garcia ng San Quintin municipal police station, sinabi nitong naniniwala umano ang pamilya ng biktimang si Mariano Tipon na walang foul play sa pagkamatay nito kaya hindi na nila ipapa-autopsy lalo pa’t wala namang nakitang sugat sa katawan o ulo nito.

Nakita ng isang residente sa Barangay San Mariano, Banta yang bangkay ng biktima nang magtutungo sana ito sa nasabing ilog upang pumana sana ng isda.

Ilang anggulo ang tinitingnan nina Garcia na maaaring rason ng pagkalunod ng biktima kabilang na ang posibilidad na maaaring nakatulog sa gilid ng ilog ang biktima at hindi nito nakayanan ang lamig o di kaya naman ay na-stroke ito dahil sa labis na kalasingan.